3 Instant “Yaman” Tips for OFWs

Maraming OFW ang mas nakakaipon dahil sa kinikita nila sa ibang bansa. Bukod sa mas mataas na foreign exchange, di hamak na mas okay ang ekonomiya sa ibang bansa upang sumahod ng “ideal” income.

Pero sa kabila nito, bakit may mga OFW na naghahangad pa rin ng mas magandang buhay? Kahit kumikita ng malaki, bakit nagkakaroon pa rin ng oras na nasho-short sila sa budget?

Siguro, sila kasi ay sumosobra sa pag-gastos. Madalas na nangyayari ito sa tuwing umuuwi sila sa bansa o ‘pag sobra ang naibibigay sa pamilya na pangluho.

Kaya naman, ito ang ilan sa mga instant yaman tips na makakatulong sa’yo upang mabudget nang mas maayos ang sahod at ipon:

Study before you play the game of investments

Hindi porket kaya mong gumastos nang malaki para sa investments ay kukunin mo na ito. Tandaan, hindi lahat ng ito ay nakakabuti para sa future.

Ilan sa mga investment na karaniwang ina-avail ng OFWs ay ang pagbili ng bahay o sasakyan. Ang iba naman ay pinipiling mag-invest sa stocks. Siguraduhing may sapat na kaalaman sa mga ito bago gumastos ng malaking halaga.

Halimbawa, sa pagbili ng bahay o sasakyan, kaya mo bang mabayaran ito sa tamang oras? Worth it kaya ang return of investments matapos ang ilang taon? Paano kung mas malaki pa pala ang magagastos mo over the years kaysa sa makukuha mong bunga?

Kung iniisip namang mag-invest sa stocks, siguraduhing sapat na ang kaalaman mo dito, Huwag kalimutang mag-konsulta sa mga eksperto kung kinakailangan.

Be more practical in spending habits

Maraming OFW ang madalas nasho-short sa budget dahil nadadala sila ng kanilang mga emosyon. Kadalasan, nag-o-overspend sila dahil sa guilt.

Feeling kasi ng ibang mga OFW, ‘di nila naibibigay ang sapat na pangangailangan ng kanilang pamilya, lalo na ang emotional support ng kanilang mga anak, dahil sa mahabang panahon na wala sila sa piling nila.

Iwasang gumastos para sa mga bagay na para lamang sa panandaliang ligaya. Iwasan i-spoil ang sarili o ang pamilya sa mga materyal na bagay gaya na lamang ng gadgets.

Tandaan, kahit ikaw pa ang breadwinner sa pamilya, ugaliing maglaan ng sapat na savings para sa future ninyong lahat.

Plan your budget goals

Maraming OFW ang nagsasakripisyo sa ibang bansa dahil may magandang hangarin. May ilang gusto makapagtapos ang mga anak o kapatid, ang iba ay para makabili ng bahay, at meron ding gusto lamang kumita ng malaki para matustusan ang iba pang pangsariling pangangailangan.

Ngunit, pagtapos nito, ano na ang goal?

Mas mabuti na may mindset na naka-focus sa long-term goal. Ito ang mga bagay na siguradong maaari pa ring maging steady source of income kahit mag-retire ka pa sa pagiging OFW.

Tandaan, hindi ka pwedeng maging OFW habang-buhay. Huwag kalimutan mag-set ng realistic goals and achievements na gusto mong ma-attain after a certain period.

Ilan lamang ito sa mga bagay na pwede mong gawin upang maging efficient ang paggastos ng income.

Huwag din nating kalimutan na wala naman talagang shortcut tungo sa pagiging mayaman o mapera. Kasabay ng mga opportunities and privileges, mahalagang samahan din ito ng disiplina at matalinong pagdedesisyon. Gaano kalaki man ang kinikita mo ngayon, mas may masasabi pa rin sa iyo kung na-sustain o napalago mo ba ito matapos ang ilang taon. Kaya habang maaga pa, mahalagang mag-set na ng financial goals na angkop sa’yo at siguradong makapagbibigay benefit sa future mo at ng pamilya mo. 

www.rappler.com/business/personal-finance/79774-money-savvy-tips-ofws
www.rappler.com/move-ph/balikbayan/55066-money-management-tips-20-somethings-ofw